NAGA CITY- Halos maabo ang isang pampasaherong bus matapos masunog sa bayan ng Lagonoy Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Ciriaco Pacer, Ghief of Police ng Lagonoy Municipal Police Station, sinabi nito na papasok sana ang bus na pagmamay-ari ng Florencia Bus Company sa bahagi ng Lagonoy Terminal partikular na sa Zone 4, Brgy. San Franciso sa nasabing bayan para pumarada ng masabitan nito ang isang nakalaylay na kable ng kuryente ng Camarines Sur Electic Cooperative (CASURECO) IV.
Dahil dito, agad itong napasok ng malakas na boltahe para tuluyang sumiklab ang apoy.
Aniya, agad naman umanong rumesponde ang mga bumbero ng Bureau of Fire Protection (BFP)- Lagonoy para apulahin ang nagliliyab na bus.
Ayon pa kay Pacer, posible umanong hindi napansin ng driver ng bus ang nakalaylay na live-wire na nagresulta ng pagkakasunog nito.
Kaugnay nito, wala namang naitalang casualty sa nasabing sunog.
Kung maaalala, maraming mga kable ng kuryente sa nasabing bayan ang patuloy pang inaayos matapos tamaan ng sunod-sunod na bagyo.
Sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.