-- Advertisements --

anton2

Natakot umano ang pamilya San Vicente sa naging pahayag ni PNP OIC chief, Lt. Gen. Vicente Danao Jr. laban sa SUV driver na bumangga sa security guard sa Mandaluyong City dahilan para boluntaryong sumuko ito mismo kay sa PNP chief sa Camp Crame bago magtanghali nitong araw ng Miyerkules.

Kasama ng suspek ang kaniyang mga magulang at abogado ng magtungo ito sa Camp Crame.

Isinuko din ng pamilya ang sasakyan na ginamit noon ng biktima sa hit-and-run case at kasalukuyang nasa custody na ngayon ng PNP HPG sa Camp Crame.

Humarap din sa media ang mga ito para linawin ang kanilang panig.

Ayon sa abogado ng pamilya na si Atty. Danny Macalino, nais mismo ni Antonio na mag-apologize sa nangyari dahil hindi niya gustong mangyari ang aksidente. Giit nito, nagkataon lang daw na natakot siya at nag-panic kaya nagawa niyang iwan ang biktima at saka tumakas.

Aminado naman si Mrs. San Vicente na sila ay natakot lalo at nagsalita na si PNP chief, kaya siya na mismo ang nagdesiyon na lumantad sila kasama ang kanilang anak.

Sa panig naman ni Joel San Vicente, nabigla din daw siya sa nagawa ng kaniyang anak at hindi niya alam ang kaniyang gagawin kaya hindi nito naisip na isuko ang anak sa mga awtoridad.

Aniya, ang unang ginawa niya ay kinausap ang kanilang abugado dahil hindi na nila alam ano ang kanilang gagawin.

Siniguro naman ng nakatatandang San Vicente na handa silang tumulong sa lahat ng pangangailangan ng biktimang security guard at ang pamilya nito na naunang nang isinugod sa ospital.