-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nasasayangan ang pamilya at mga kaanak sa kontrobersyal na si Atty Jude Sabio dahil sa maagang pagpanaw nito dahil nagka-cardiac arrest habang dinapuan rin ng COVID- 19 sa kasagsagan ng kanyang pananatili sa naka-modidifed enhanced community quarantine na National Capital Region.

Ito ang paglalahad ng kanyang 2nd degree cousin na si Tagoloan, Misamis Oriental Mayor Enan Sabio nang umaabot ang kumpirmasyon na pumanaw na ang itinuring sa kanilang angkan na isa mga magagaling na abogado.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Mayor Sabio na hindi nila inaasahan na sa edad 56 ay maiiwan na sila ng kanilang pinsan na abogado dahil sa kasalukuyang banta na dala ng COVID.

Sinabi ng alkalde na nagsimula ang simpleng buhay ng kanilang pinsan bilang isang working student habang nasa Kongreso pa noon si dating Presidential Commission on Good Governance chairman Atty Camilo Sabio sa Maynila.

Dagdag ni Sabio na makalawang beses rin na tumakbo bilang municipal mayor sa kanilang bayan ang namamayapa nila na pinsan taong 2010 at 2016 pero hindi pinalad.

Nagbalik umano ito sa Maynila at ipinagpatuloy ang private law practice kung saan nagkakilala sila ni dating Senator Antonio Trillanes IV na kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung maalala ang dalawa ay nagsampa rin ng reklamo sa International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands kaugnay sa umano’y talamak na extra judicial killings sa bansa.

Subalit kalaunan ay binawi ni Sabio ang kanyang impormasyon na inihain sa ICC dahil hindi na sila nagkaunawaan sa grupo ni Trillanes.

Si Sabio ay anak ng pawang mga guro na magulang na nagmula sa bayan ng Libona, Bukidnon.