CENTRAL MINDANAO – Posible umanong inilibing kasama ng motorsiklo nito sa malawak na lupaing sakop ng Police Regional Office-12 si P01 Cristine Joy Rojas, ang pulis na sinasabing bagman at may maraming alam sa kontrobersyal na Pulis Paluwagan Movement o PPM Investment scam.
Ito ang malakas na paniniwala ng pamilya Rojas matapos na lumabas sa isinasagawang imbestigasyon na hindi nakalabas sa naturang kampo ang babaeng pulis simula ng ideklara itong missing mula buwan ng Marso 2019.
Ayon kay Atty. Remegio Rojas, tiyuhin ni P01 Rojas na may hawak itong recorded conversation mula sa kanyang pamangkin na ipinatawag ito ng noon ni PRO-12 Regional director Brig. Gen. Eliseo Rasco at pinapaturo ng heneral si Col. Manuel Lukban bilang utak ng PPM at hinahanap ang pera.
Dagdag pa ni Atty. Rojas, walang naisagot ang kanyang pamangkin kaya pinagbantaan umano ito ni Rasco na tatanggalin sa serbisyo o kaya ay ipapatay.
Iniimbestigahan na ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang naturang kaso habang umaasa naman si Atty. Rojas na pagtutuunang pansin ito ng bagong regional director na si Brig. Gen. Michael John Dubria.
Samantala, nauna nang ibinasura ng Regional Prosecutors Office ng Soccsargen ang kasong syndicated estafa na isinampa laban kina retired Col. Raul Supiter, Col. Lukban, Lt. Col. Henry Binas at 11 pang pulis dahil sa kawalan ng probable cause at walang sapat na ebidensya upang idawit ang mga ito sa naturang kontrobersya.
Sa halip, sinampahan na ng kaso at pinaaresto ng korte si Mark George Naval, founder at may ari ng PLANPROMATRIX Company at mga staff nito na sinasabing syang nagpakilala ng sistema at idea ng PPM.
Lumabas din sa mga ebidensyang isinumite sa korte ang pangalan ni Major Michael Elorpe at Corporal Jeanette Dosdos na siyang nakakuha ng milyon milyong pera bilang pay-outs umano at hindi sina Lukban, Supiter at Binas.
Ngunit si Cpl. Dosdos ay hindi naisama noon sa mga sinampahan ng kaso matapos itong “arborin” ni Gen. Rasco.