Inaprubahan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang ilang deadlines sa pagsusumite ng ilang dokumento habang naka-recess ang korte.
Nauna na kasing pinagsusumite ng ICC Pre-trial Chamber I ang defense team ng dating Pangulo ng public version ng isang confidential document, bagay na hindi naman pinalagan ng defense team base na rin sa lead counsel na si Nicholas Kaufman.
Kaugnay nito, pinayagan ng chamber ang request ng defense team na suspendihin ang ilang deadlines mula Hulyo 25 ng alas-5:30 ng hapon at pinalawig pa ito hanggang sa Agosto 18, 2025, alas-9:00 ng umaga.
Samantala, naglabas din ang Pre-Trial Chamber ng isang report na naglalaman ng lahat ng desisyon na ginawa sa pagitan ng Mayo at Hulyo ng kasalukuyang taon, subalit ilang bahagi ng naturang report at 36 annexes ang isinapribado habang tinanggal ang sensitibong impormasyon para na rin sa security reasons.
Sa ngayon, nananatiling nakadetine si dating Pang. Duterte sa detention facility ng ICC habang inaantay ang nakatakdang kumpirmasyon ng charges laban sa kaniya na crimes against humanity may kaugnayan sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng kaniyang war on drugs campaign sa Setyembre 23.