LEGAZPI CITY – Hustisya ang sigaw ng pamilya ng isa mga biktima matapos na mauwi sa pananaksak ang nangyaring rambolan ng grupo ng mga kabataan sa Centro Poblacion, Tiwi, Albay.
Sa panayam ng Bombo Rado Legazpi kay Elaly Lonceras, kapatid ng isa mga biktima, nasa stable ng kalagayan ang kapatid na si Hogie Guevarra, 21-anyos matapos na malagay sa panganib ang buhay matapos na magtamo ng siyam na saksak mula sa grupo ng 16-anyos na suspek.
Kwento ni Lonceras na bago ang nangyaring pananaksak, kinompronta ng kanyang kapatid ang suspek dahil sa mga pagbabanta sa mga chat na papatayin ito oras na makita sa Centro Poblacion sa Brgy. Tigbi.
Subalit nauwi ito sa rambolan sa pgitan ng biktima at mga suspek.
Sakto naman aniya na kakalabas lang mula sa simbahan ng kaibigan nitong si alyas Jojo, 13-anyos ng makita na pinagtutulungan ng mga suspek si Hogie kaya agad namang inawat ang grupo.
Ngunit armado pala ng kutsilyo ang grupo ng mga suspek at pinagsasaksak si Hogie maging ang mga umawat na barkada na sila alyas Jojo at Edward Cernechez, 19-anyos.
Agad namang dinala sa ospital ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival ang 13-anyos na biktima.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng WCPD ang 16-anyos na suspek habang ang dalawang iba pa ay nasa pangangalaga ng Tiwi Municipal Police Station na lahat ay nahaharap sa kasong murder at frustrated murder.
















