Siniguro ng Philippine Coast Guard (PSG) na maibibigay na sa lalong madaling panahon ang cash assistance sa 12 Pinoy na lulan ng FV Liberty 5 na nabangga ng Hong Kong bulk carrier na MV Viena wood sa karagatang sakop ng Mamburao, Occidental Mindoro.
Kasunod pa rin ito ng nabuong settlement agreement sa pagitan ng magkabilang partido.
Napagkasunduan daw na makakatanggap ng tig-P1 million ang pamilya ng mga mangingisdang Pinoy mula sa MV Vienna Wood.
Sa virtual press briefing ng Department of Transportation (DoTr), inanunsyo ni Coast Guard Commandant Adrmiral George Ursabia Jr., plantsado na ang kasunduan sa pagitan ng pamunuan ng MV Vienna Wood at FV Liberty 5 at ng mga kaanak ng 12 mangingisda at dalawang pasahero nito.
Ayon kay Ursabia, noong Lunes pa, nagkaroon ng pag-uusap ang mga opisyal ng MV Vienna Wood at ang mga kamag-anak ng mga mangingisdang sakay ng FV Liberty 5.
Tatanggap naman ang Irma Fishing and Trading Corporation o ang kumpanyang may-ari ng naaksidenteng FV Liberty 5 ng P40-milyon bilang settlement mula sa MV Vienna para sa nasira nitong barko.
Maalalang magdadalawang buwan na ang nakakaraan noong lumubog ang naturang bangka noong Hunyo pero hanggang sa ngayon ay wala pa ring mga mangingisda ang mga na-rescue o nahanap.