Binigyang-diin ng International Criminal Court (ICC) na nakadepende sa kooperasyon ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpapatupad ng mga arrest warrant at pagsuko ng mga suspek sa tribunal.
Kasunod ito ng kumpirmasyon ni ICC spokesperson Oriane Maillet na mayroon nang warrant of arrest laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na itinuturing na umano’y “co-perpetrator” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng “war on drugs”.
Ginawa ng opisyal ng ICC ang pahayag matapos ang habulan at nabigong pag-aresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Senador sa premises mismo ng Senado noong Lunes, Mayo 11, 2026.
Ayon kay Maillet, dahil ang ICC ay isang institusyong panghukuman na nakaangkla sa kooperasyon ng mga estado, nasa kamay ng mga pambansang awtoridad ang pag-aresto at pagsuko sa suspek.
Nilinaw din niya na kung may mga alalahanin ang estado sa pakikipagtulungan, maaari silang komunsulta sa korte alinsunod sa Rome Statute.
Idinagdag pa ng opisyal ng ICC na kahit kumalas ang Pilipinas sa korte noong 2019, hindi ito makakaapekto sa tungkulin nitong makipagtulungan sa mga kriminal na imbestigasyon at paglilitis, base sa Article 127 ng Rome Statute
















