Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) – Anti-Cybercrime Group ang pagsusuri sa mga CCTV camera footage na umano’y naglalaman ng mga kaganapan bago ang nangyaring shooting sa Senado noong Miyerkules.
Ito ay sa kabila ng naunang pahayag ng Senate security na walang footage na naglalaman sa mismong naganap na barilan.
Naipasakamay sa PNP ang mga ‘available’ na footage bilang bahagi ng imbestigasyon.
Sa ngayon ay limitado pa rin ang impormasyong inilalabas ng pulisya ukol sa mga footage ngunit ang mga hawak nilang video ay kuha mula sa iba’t-ibang anggulo sa loob at sa palibot ng Senate building.
Nagsasagawa na rin ang PNP ng 3D reconstruction sa pangunguna ng PNP Forensic Group.
Nagsisilbing pokus dito ang trajectory at dinaanan ng bala, shell casings, at ang impact points o mga tinamaan ng bala.
Sa pamamagitan nito ay umaasa ang PNP na matutukoy ang lokasyon ng mga shooter at mabuo ang larawan ukol sa palitan ng bala.
Ayon naman kay PNP spokesperson Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, patuloy ang paglikom ng pulisya ng mga ebidensiya tulad ng body camera recordings, media footage, at mga video mula sa mga testigo, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.









