Inilabas ng Office of the Ombudsman ang kautusan para sa preventive suspension ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Ranada Aplasca, na epektibo agad.
Sa ilalim ng order, si Aplasca ay sinuspinde nang walang sahod sa loob ng anim na buwan o hanggang matapos ang administratibong pagdinig kaugnay ng kanyang kaso.
Ayon sa Ombudsman, ang patuloy na pananatili ni Aplasca sa puwesto ay maaaring makaapekto sa integridad ng imbestigasyon hinggil sa mga pangyayari sa gusali ng Senado noong Mayo 13, 2026.
Layunin ng preventive suspension na mapanatili ang mga dokumento at ebidensiyang nasa kanyang pangangalaga at maiwasan ang anumang posibleng impluwensiya sa kaso.
Kasabay nito, naglabas din ang Ombudsman ng Subpoena Duces Tecum para sa CCTV footage ng ikalawang palapag at basement parking ng Senado mula Mayo 13 hanggang Mayo 14, 2026.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng insidente at ang posibleng pananagutan ni Aplasca.
















