-- Advertisements --

Tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na walang magiging patid ang pamamahagi ng ₱3,000 na fuel subsidy para sa mga mangingisda sa buong bansa upang maprotektahan ang kanilang kabuhayan laban sa epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa ahensya, bago pa man pumutok ang kaguluhan sa nasabing rehiyon na nagbabadyang magpataas sa presyo ng petrolyo, nakalatag na ang kanilang fuel subsidy program.

Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 10,000 na mga mangingisda mula sa iba’t ibang rehiyon ang nakinabang sa nasabing ayuda.

Upang mas mapabilis ang daloy ng programa, nakipag-ugnayan na ang BFAR sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa agarang pagpapalabas ng karagdagang pondo.

Sa ilalim ng Fuel Assistance Program, ang bawat kwalipikadong mangingisda ay tatanggap ng one-time na ayuda.

Ipinapamahagi ito sa pamamagitan ng cash card o voucher, na idinisenyo upang mas maging madali ang pagkuha ng tulong, partikular sa mga benepisyaryong nakatira sa mga lugar na malayo sa mga gasolinahan.

Samantala, matapos ang sektor ng pangisdaan, kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na isusunod na rin ng pamahalaan ang pagbibigay ng fuel assistance sa mga magsasakang nakadepende sa paggamit ng mga makinarya sa kanilang mga sakahan.