Nag-alok ang Ukraine sa Russia ng pansamantalang tigil-putukan sa mga sibilyang target sa Black Sea, matapos dumami ang mga pag-atake sa mga barko at daungan na ginagamit sa pag-export ng mga produktong agrikultural ng bansa.
Nabatid na ipinadala ng Kyiv ang alok sa pamamagitan ng isang third party kung saan naghihintay pa ng tugon mula sa Moscow.
Kapwa inaakusahan ng Russia at Ukraine ang isa’t isa ng pag-atake sa mga barkong ginagamit sa kanilang mga exports.
Napag-alaman ding ilang shipping companies na ang umiiwas na dumaan sa Odesa, na itinuturing mahalagang sentro ng grain exports ng Ukraine.
Samantala, napilitang suspendihin ng Russia ang operasyon sa tatlong terminal sa Black Sea port ng Novorossiysk matapos umanong atakihin ng Ukraine, na maaaring makaapekto rin sa grain exports ng Moscow.
Sinabi naman ng Russian Deputy Foreign Minister na si Alexander Grushko na wala pa silang natatanggap na pormal na kahilingan para sa ceasefire sa Black Sea.
















