Ipinatawag ng European Union at ilang bansa sa Europa ang mga kinatawan ng Russia matapos magbanta ang Moscow ng posibleng pag-atake sa Kyiv at pag-udyok sa mga dayuhan, kabilang ang mga diplomat, na lumikas mula sa kabisera ng Ukraine.
Kabilang sa mga nag-summon ng Russian envoys ang Germany, Norway, Netherlands, Poland, at Sweden, kasunod ng pahayag ng Russia na target nito ang mga military facility at “decision-making centers” sa Kyiv.
Ayon sa EU diplomatic service, ipinatawag nila ang Russian chargé d’affaires upang ipahayag ang mariing pagtutol sa tinawag nilang “unacceptable escalation,” at iginiit na nananatili ang EU delegation sa Kyiv sa kabila ng tensyon.
“The EU delegation is remaining in Kyiv,” pahayag ng tagapagsalita ng EU foreign policy.
Sa Norway, ipinatawag si Russian Ambassador Nikolai Korchunov upang ipaliwanag ang umano’y “explicit threats against foreign personnel in Ukraine.”
Ang Poland naman ay nanawagan ng agarang pagtigil sa tinawag nitong “unlawful aggression” ng Russia.
Samantala, itinanggi ng Russian embassy sa Germany ang mga paratang at iginiit na “surgical strikes” lamang ang kanilang isinasagawa laban sa mga target na militar.
Ayon sa Moscow, ang planong operasyon ay tugon sa umano’y “terrorist attacks” ng Kyiv, kabilang ang insidente sa Luhansk na ikinasawi ng 21 katao—isang pahayag na itinanggi ng Ukraine, na sinabing ang target ay isang Russian drone unit.
















