Uumpisahan na ngayong linggo ng Department of Agriculture (DA) ang pamamahagi ng ₱10-bilyong Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) upang mabigyan ng agarang tulong-pinansyal ang mahigit apat na milyong maliliit na prodyuser sa bansa na apektado ng pabago-bagong presyo ng langis.
Batay sa anunsiyo ng ahensya nitong Miyerkules, mag-uuwi ng tig-₱2,325 na cash assistance ang nasa 4.17 milyong benepisyaryo.
Ang pondo ay nagmumula sa 2026 General Appropriations Act (GAA) o Republic Act No. 12314.
Ibibigay ang unang tranche ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa Regions I, II, III, VI, at IX.
Kabilang sa mga target na makatanggap nito ay ang mga magsasaka ng palay na may sinasakang lupa na dalawang ektarya pababa, mga magsasaka ng mais at tubo, gayundin ang mga mangingisda na dumidepende sa mga motorized boats.
Nilinaw naman ng ahensya na tanging ang mga rehistrado lamang sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture at National Program for Municipal Fishing Vessels and Gears Registration ang makakakuha ng naturang ayuda
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang tulong ay dumarating sa tamang oras lalo na’t pinanipis ng matataas na presyo ng petrolyo ang kita ng sektor dahil sa gastusin sa mga irrigation pumps, farm machinery, at mga bangka.
Samantala, tiniyak ng DA na kasalukuyan nilang nililinis at pinapaigting ang kanilang mga master lists at distribution systems.
















