Nagpaabot ng pasasalamat ang Malacañang sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa umano’y ipinamalas na statemanship kaya mabilis ang pagkakapasa ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2.
Ang pahayag na ito ni Presidential Spokesman Harry Roque ay kasunod na rin ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bayanihan 2 para ganap na itong maging batas.
Sinabi ni Sec. Roque, ikinokonsidera ng Malacañang ang Bayanihan 2 bilang mahalagang bahagi sa pagsisikap ng gobyerno na dahan-dahang buksan ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng COVID pandemic.
Ayon kay Sec. Roque, sa pamamagitan nito, masusuportahan ng pamahalaan ang mga negosyo at mabubuhay nito ang pag-unlad ng ekonomiya habang pinagtitibay rin ang kakayahan ng bansa na labanan ang COVID-19 sa pamamagitan ng pagpapalakas sa health care capacity at pandemic response ng Pilipinas.
Magugunitang nakapaloob sa Bayanihan 2 ang P165 billion stimulus package na naglalaman ng P140 billion na regular appropriations at P25 billion standby fund.