Tiniyak ng palasyo Malacañang na responsibilidad ng pamahalaan na panatilihing ligtas ang sinumang Pilipinong babalik sa bansa, kabilang ang dating mambabatas na si Zaldy Co na una ng naulat na naaresto sa Prague, Czech Republic.
Gayunman, binigyang-diin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na kinakailangan munang mapatunayan kung may umiiral na banta sa buhay ng dating mambabatas, kabilang ang umano’y mga death threat.
Ayon sa Palasyo, mahalagang may sapat na ebidensya bago makapagbigay ng karagdagang assurance, ngunit nananatili ang kahandaan ng pamahalaan na magbigay ng proteksyon kung kinakailangan.
Pinuna rin ni Castro ang pahayag ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque, at kinuwestiyon kung bakit pa pinaniniwalaan ang isang “fake news peddler,” gayong nauna nang nagsalita ang Pangulo at ang kalihim ng Department of Justice hinggil sa pagkakaaresto.
Paglilinaw rin niya, limitado ang impormasyong maaaring ilabas ng pamahalaan, kabilang ang kawalan ng mga larawan o video, dahil may ibang bansa umanong involve sa usapin.
















