Iginiit ng Malacañang na dapat walang lamangan at walang gulangan sa pagpapa-test ng COVID-19.
Babala ito ni Inter-agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles sa mga pulitikong ginagamit ang posisyon para magkaroon ng VIP testing sa COVID-19.
Sinabi ni Sec.Nograles, malinaw ang polisiya ng task force na walang lamangan at walang gulangan pagdating sa pagsusuri lalo kulang na kulang ang mga testing kits sa bansa.
Ayon kay Sec. Nograles, dapat unahin ang mga pasyente na may sintomas ng natirang sakit.
Kabilang sa mga nababatikos ngayon dahil sa umanoy VIP test ay sina Sen. Francis Tolentino, Sen. Richard Gordon at ang kanyang pamilya, Sen. Grace Poe, Sen. Pia Cayetano, Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta at asawang si Fernanda, Philippine National Police chief Archie Gamboa at asawang si Rozanne at dating first lady Imelda Marcos.
“In general, walang lamangan, walang gulangan. Ito ay para sa lahat ng mga Pilipino kaya may general guidelines,” ani Sec. Nograles.