NAGA CITY – Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi naman kinansela ang Palarong Bicol 2020 na isasagawa sa Camarines Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nelson Gomez, Division Sports Officer ng DepEd-Camarines Norte, sinabi nitong nakatakda sanang magsidatingan ang mga delegado mula sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa Pebrero 26-27.

Ito’y ilang araw bago sana ang opisyal na pagsisimula ng Palaro sa Marso 1-7, 2020.

Subalit dahil sa isyu ng novel coronavirus, in-adjust ang petsa kung saan inaaasahan na lamang na dadating ang delegasyon sa Marso 1-3 habang tinitingnan pa na gawing opening date ang Marso 5.

Gayunman, hihintayin pa aniya nila ang pinal na pag-uusap ng DepEd-Bicol, at ang clearance at go signal na ibibigay ng Department of Health.

Samantala, ngayong linggo inaaasahang maisasapinal na ang petsa ng nasabing palaro.

Una rito, siniguro ni Santos na handang-handa na ang billeting centers at iba pang pasilidad na gagamitin sa naturang sporting event.