Nagbabala ang Pakistan nitong Miyerkules na may natanggap itong credible intelligence na posibleng magsagawa ng opensibang militar ang India sa loob ng 24 hanggang 36 na oras, gamit ang kamakailang pag-atake sa Indian Kashmir bilang “pekeng dahilan.”
Ayon kay Information Minister Attaullah Tarar, may tiyak itong impormasyon na plano ng India ang isang opensiba, gamit ang insidente sa Pahalgam bilang palusot. Anumang agresyon ay tiyak naman nilang tutugunan.
Itinanggi ng Islamabad ang anumang kaugnayan sa pag-atakeng ikinasawi ng 26 katao sa isang tourist site sa Kashmir noong nakaraang linggo, kasabay ng panawagan ng neutral na imbestigasyon. Subalit patuloy ang palitan ng tensyon sa pagitan ng dalawang nuclear-armed na bansa.
Bilang tugon sa insidente, pansamantalang isinantabi ng India ang Indus Waters Treaty habang isinara naman ng Pakistan ang himpapawid nito sa mga airline ng India.
Samantala, nanindigan si Indian Prime Minister Narendra Modi na parurusahan ang mga nasa likod ng pag-atake. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Indian foreign ministry .
Sa isang panayam, sinabi ni Pakistan Defense Minister Khawaja Muhammad Asif na malapit na ang opensibang militar mula sa India. Naka-high alert na umano ang Pakistan ngunit gagamit lamang ito ng sandatang nuklear kung may direktang banta sa kanilang pambansang pag-iral.
Ang rehiyong Kashmir, na mayoryang Muslim, ay matagal nang pinagtatalunan ng India at Pakistan—parehong may kontrol sa bahagi nito at ilang ulit nang naglaban dahil dito. (REPORT by Bombo Jai)