-- Advertisements --

Mahigpit na ipagbabawal ng Philippine National Police (PNP) ang pangingibang bayan ng mga tinatawag na consumer APOR o Authorized Persons Outside of Residence sa sandaling epektibo na ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Sa darating na August 6 hanggang August 20, mananatili sa ECQ ang National Capital Region (NCR).

Paliwanag ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, walang pinagkaiba sa pagpapatupad ng ECQ ngayong at nuong isang taon kung saan, confined lamang sa isang lugar ang galaw ng mga consumer APOR at bitbit ang kani-kanilang quarantine pass.

Ang mga consumer APOR ay ang mga kinatawan ng bawat pamilya na papayagang lumabas ng kanilang bahay para bumili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Pagbibigay-diin ni PNP Chief, kung taga-Pasig ang isang consumer APOR, hindi siya papayagang tumawid ng Quezon City, Marikina, Taguig, Pateros, Cainta o Taytay gayundin sa ibang lungsod sa NCR.

“kapag nagkaroon na po tayo ng ECQ yung dating malaking bubble parang magiging individual bubbles na po yan bawat city, parang tiny bubbles na yan na yung ating mga checkpoints ngayon ang babantayan natin ay yung mga syudad na. So 2 klase ho kasi, dapat tandaan natin yung mga APOR by virtue of they are part of the workforce APOR, as long as ang travel nila is work-related wala pong problema. Kahit anong oras wala silang curfew at saka puwede silang mag cross,” pahayag ni Gen. Eleazar.