-- Advertisements --

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga health officials na pag-aralan ang posibleng pagtatayo ng pharmaceutical economic zones o “pharma-zones” para mapababa ang presyo ng mga gamot sa bansa at matiyak ang episyenteng regulatory process.

Sa isinagawang sectoral meeting kaninang umaga, binigyang-diin ng Presidente ang pag streamline sa drug regulatory processes sa bansa.

Naniniwala ang Pangulong Marcos na ang pharma-zones ang siyang tutugon sa pagbuo at paggawa ng mga karaniwang generic na gamot na magpapalakas ng lokal na suplay at magpapababa ng mga presyo sa “tunay na generic level katulad ng India.”

Giit ng Chief Executive mahalaga na mapababa ang presyo ng mga totoong generic na gamot.

Ipinunto din ng Pangulong Marcos ang kahalagahan na manghikayat ng mga foreign at local investirs na mamuhunan sa Philippine pharmaceutical sector sa pamamagitan ng pagtatayo ng pharma-zones na kahalintulad ng ecozones na minomonitor ng
Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Pinagsasama-sama ng mga Pharma-zone ang mga kumpanyang nakikibahagi sa lahat ng aspeto ng paggawa ng gamot kabilang ang pananaliksik at pag-unlad, clinical testing at trials pati na rin ang regulasyon.

Inihayag naman ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Dr. Samuel Zacate na ang pagtatayo ng pharma-zones ay lalong magpapalakas sa local drug production sa tatlong lugar na tinukoy ng PEZA.

Inatasan ng Pangulo ang FDA na gawing mas accessible at episyente ang proseso ng pag-apply ng gamot sa pamamagitan ng one-stop shop scheme upang hikayatin ang mga lokal at dayuhang pharmaceutical firm na makibahagi sa paggawa ng gamot upang gawing mas abot-kaya ang mga gamot.