Suportado ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang pagtanggal ng mga unprogrammed appropriations sa kasalukuyang binubuo ng kongreso na panukalang 2026 national budget.
Layon ng hakbang na ito na mas maging transparent at responsable ang paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Ang inisyatibang ito ay isinusulong nina Senate President Vicente Sotto III at Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian.
Naniniwala ang dalawang opisyal na sa pamamagitan ng paglilimita sa unprogrammed appropriations, mas magiging maayos ang pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.
Sa naturang panukala, ang papayagan na lamang para sa unprogrammed appropriations ay ang mga foreign-assisted projects, at hindi na kabilang dito ang iba pang mga proyekto.
Tiniyak ni Lacson na sasamahan niya ang Mataas na Kapulungan sakaling pagtalunan ito ng Senado at Kamara sa Bicameral Conference Committee (bicam).
Matatandaang una nang nakumpirma na may mga flood control projects na ginamitan ng unprogrammed funds sa mga nakaraang pambansang budget.
Samantala, muling nanawagan si Lacson sa kanyang mga kapwa mambabatas na magpakita ng self-restraint o pagpigil sa paglalagay ng mga individual amendments sa panukalang budget.