-- Advertisements --

Ipinapanukala ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pagtanggal ng mandatory Senior High School (SHS) level sa K to 12 program. 

Ito ay upang gawing mas makabuluhan ang sistema na basic education sa bansa. 

Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 3001, binanggit ni Estrada ang pag-amin ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) na hindi pa naaabot ng SHS program ang layunin nito para sa mga K to 12 graduates dahil sa napakaraming curriculum, over-worked ang mga guro at estudyante, mababang employment rate ng mga nagtapos ng SHS — 10% lamang ang pumapasok sa labor force, karamihan pa ay sa informal sector.

Bukod dito, nakita rin aniya patuloy na pagbaba ng kumpiyansa ng publiko sa SHS program — mula 41% noong 2023, bumaba sa 35% noong 2024, at lalo pang bumagsak sa 33% ngayong 2025.

Sa panukalang pagtanggal ng SHS level, sinabi ni Estrada na mananatili ang mga pangunahing prinsipyo ng RA 10533. 

Layon aniya ng kanyang panukalang amyenda na gawing mas simple at mas maayos ang sistema ng high school habang tinitiyak pa rin ang kalidad ng edukasyon na akma sa pandaigdigang pamantayan. 

Sa ilalim ng rationalized basic education program, iminungkahi ni Estrada ang isang taong edukasyon sa kindergarten, anim na taon sa elementarya at apat na taon sa secondary education.