KALIBO, Aklan—Umapela ang Aklan Provincial Health Office sa mga kabataan na nagkaroon ng multiple sex partner na magpatest ng HIV (human immunodeficiency virus) matapos na nakatala ng 30 bagong kaso ang tanggapan mula buwan ng Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Ayon kay J-Lorenz Dionisio, Nurse III ng PHO Aklan, nasa pang apat na pwesto ang lalawigan sa buong Western Visayas na may pinakamaraming naitalang kaso ng HIV.
Mula 1999 aniya na unang naka tala ng kaso ang Aklan hay umabot na ito sa kasalukuyang bilang na 745 kung saan, 99% sa nasabing kaso ay mula sa men having sex with men kung kaya’t naging high risk ang mga ito sa HIV.
Dagdag pa ni Dionisio na walang dapat na ikabahala ang mga gustong magpatest dahil ito ay libreng isinasagawa sa mga testing facility sa Aklan provincial hospital, RHU New Washington, Malay at isla ng Boracay gayundin na magiging confidential ang kanilang identity.
Ang kaso ng HIV ay itinuturing na ngayong public concern dahil sa tumataas na bilang nito at wala pang naimbentong gamot para dito.
Ngunit, maaari aniyang maagapan at madugtungan ang buhay ng individual living with HIV sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng anti-retoviral (ARV) drugs.
Sa kabuuang datos mula sa Department of Health, ang bansa ay nakatala ng nasa 500% na pagtaas ng HIV cases mula noong 2015 hanggang 2024.