Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Health Secretary Teodoro Herbosa sa patuloy na pagtaas ng kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa Pilipinas, partikular sa mga kabataang edad 15 hanggang 25, kung saan umabot na sa 500% ang itinaas ng mga kaso kumpara sa nakaraang mga taon.
Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), umabot na sa 5,101 ang bagong kaso ng HIV sa unang quarter ng 2025—mas mataas ng 50% kumpara sa 3,409 na kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Katumbas ito ng 57 bagong kaso kada araw, dahilan kung bakit ang Pilipinas ngayon ang may pinakamataas na bilang ng bagong HIV infections sa buong Western Pacific region.
Bagaman nabibigyan ng atensyon ang monkeypox (o mpox) nitong mga nakaraang buwan, iginiit ng DOH na ang mas malaking banta ay ang mabilis na pagtaas ng HIV cases, lalo na sa kabataan.
Babala ni Herbosa na kung hindi mapipigilan ang pagkalat ngayon, inaasahan nating aabot sa mahigit 400,000 ang bilang ng mga taong may HIV sa bansa. Hindi lang ito usapin ng kalusugan — ito ay usaping panlipunan na nangangailangan ng pagtutulungan ng buong pamahalaan at buong lipunan.
Bagamat may mataas na halaga ang antiretroviral treatment, libre itong naibibigay sa mga pasyente sa pamamagitan ng PhilHealth.
Binigyang-diin din ni Herbosa ang kahalagahan ng pagpapalawak ng HIV testing, mas madaling access sa gamutan, at pagbawas ng viral load para mapigilan ang pagkalat.