Nangako ang Philippine National Police (PNP) na handa silang suportahan ang mga inisyatibo ng pamahalaan sa paglaban sa mga maling impormasyon at fake news hinggil sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa patungkol sa energy-related issues na kinahaharap nito.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., mas pinalaks ng PNP ang kanilang mga hakbang para matigil ang ganitong mga klase ng paglaganap ng mga mapanlinlang na mga impormasyon sa gitna yan ng patuloy na giyera sa Gitnang Silangan na nakakaapekto sa suplay ng langis at maging sa ekonomiya ng bansa.
Aniya, hindi hahayaan ng pulisya ang pananamantala na ito kung saan ginagamit ang usapin para lamang magpalaganap ng panic sa publiko.
Ayon pa sa hepe, ang anumang pagtatangka na iligaw ang publiko tungkol sa energy security, supply at maging sa mga presyo ng krudo at produktong petrolyo ay maituturing na isang seryosong paglabag na maaaring maharap sa mga kaukulang reklamo.
Samantala, nagpaalala naman ang PNP sa publiko na manatiling mapagmatyag at responsable sa pagtanggap ng mga impormasyon na nakikita lamang internet at iba pang social media platforms.
















