-- Advertisements --

Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lider ng Southeast Asian nations na pabilisin ang regional cooperation sa usapin ng energy at food security sa gitna ng epekto ng pandaigdigang sigalot at pagtaas ng presyo ng langis.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa ika-48th ASEAN Summit sa Cebu kung saan nagkasundo ang mga bansang kasapi ng ASEAN na palakasin ang kakayahan ng rehiyon laban sa epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan at global economic instability.

Kabilang umano sa pangunahing pinagtuunan ng ASEAN leaders ang energy security, food security, at protektahan ang mga mamamayan nito na nasa ibang bansa.

Tinalakay din ang pagpapabilis sa pagpapatupad ng ASEAN Power Grid, isang regional project na mag-uugnay sa power networks ng mga bansang miyembro upang mapabuti ang access sa mas abot-kayang kuryente para sa halos 700 milyong mamamayan sa rehiyon.

Isinusulong din ni PBBM ang agarang ratipikasyon ng ASEAN Framework Agreement on Petroleum Security (APSA) upang matulungan ang mga bansang miyembro sa panahon ng kakulangan sa suplay ng langis.

Ayon pa sa Pangulo, tinalakay rin ng mga lider ang pagpapalawak ng renewable energy projects tulad ng hydropower, solar, wind, at maging nuclear energy, sa tulong ng Asian Development Bank.

Sa usapin naman ng food security, sinabi ni Marcos na malaking epekto sa mga kabahayan sa Southeast Asia ang pagtaas ng presyo ng langis at pagkaantala ng shipping routes.

Dahil dito, nagkasundo ang ASEAN leaders na palakasin ang regional food reserves, suportahan ang mga magsasaka at agri-businesses, at panatilihing bukas ang daloy ng kalakalan tuwing may krisis.