CAGAYAN DE ORO CITY – Agad pinawi ng Police Regional Office 10 ang pangamba ng publiko at igniit na haka-haka lamang na mayroong grupo ng kulto na nangangatok umano sa mga pintuan ng bahay-bahay para magsasagawa ng mga karumaldumal na krimen katulad ng mga pagpatay.
Ito ay mayroong kaugnayan sa brutal na pagpatay ng mag-inang si Christy Vacaro at 7 anyos na anak nito na si Kent Jerwin na unang pinasok ng hindi kilalang mga suspek kung saan sila pinagtataga hanggang mamatay sa Barangay Naylon, Tudela, Misamis Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni PRO 10 spokesperson Capt Francisco Sabud na agad ipinakilos ni Regional Director Brig Gen Rolando Anduyan ang Misamis Occidental PNP upang ma-validate ang impormasyon kung totoo ang mayroong gumagala na grupo ng kulto.
Sinabi ni Sabud na batay sa pag-iimbestiga ng kanilang mga tauhan ay walang ugnayan ng anumang grupo katulad ng kulto ang mag-ina.
Ito ang dahilan na pinawi ng pulisya ang takot ng mga tao sa umano’y ilang pangangatok ng mga pintuan upang ipagmukha na itoy kagagawan ng isang grupo.
Mayroon ding naaresto na sibilyan at nakunan ng ilegal na armas subalit hindi ma-konek sa sinasabing isyu ng kulto.
Naglabas na rin ng nasa P200,000 cash reward money ang dalawang alkalde ng Tudela at Lopez Jaena para mapadali ang paghuli ng totoong mga suspek na pumatay mag-ina noong nakaraang semana santa.
Magugunitang maging ang ilang taga-Mindanao ay taga-Visayas ay naalarma rin dahil social media post na umano’y mayroong grupo ng kulto na nangangatok-pintuan sa tuwing sasapit na ang malalim na gabi.