Naniniwala ang OCTA Research Group na ang pagpapatupad muli ng “NCR (National Capital Region) Plus” bubble sa Metro Manila at karatig probinsiya ay malaking tulong para maprotektahan ang mga lugar sa pagkalat ng Delta variant ng Coronavirus Disease 2019.
Ito’y habang patuloy na nakabukas ang ekonomiya ng bansa.
Una nang nagbabala ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagtaas ng local cases sa Delta variant na unang naiulat sa bansang India.
Ayon sa OCTA Research fellow na si Guido David, ang ideya ng bubble ay para makaiwas na kumalat pa ang Delta variant dahil magiging limitado ang galaw na para lamang doon sa mga essential o mahahalagang lakad.
Sinabi ni David kapag may bubble, protektado ang nasa loob ng NCR Plus at hindi ito maapektuhan mula sa labas.
Kapag umiiral ang bubble, ang mga bata ay mahigpit na ipinagbabawal na lumabas ng bahay dahil ang Delta variant ay maaring makapagdulot ng long-term effects of COVID-19 sa mga kabataan.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang OCTA Research sa ilang lugar gaya ng Mariveles sa Bataan at Laoag City sa Ilocos Norte na nakapagtala ng pagtaas ng COVID cases.
Binigyang-diin ni David na dapat maging pro-active at huwag nang hintayin na sumirit ang kaso ng COVID bago rumesponde.