BUTUAN CITY – Malaki ang paniniwala ni Engr. Dioric Gavino, secretary general ng Sara All Movement, na bahagi umano ng plano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos at ng kanyang mga kasamahan ang pagpapalutang kay Ramil Madriaga at ang pag-akusa kay Vice President Sara Duterte na umano’y tumanggap ng campaign fund noong taong 2022 mula sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at mga drug syndicates.
Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, binalik-tanaw ni Gavino ang mga pangyayaring naganap noong panahon ng kampanya kungsaan siya mismo ay naroon kungsan noong panahong iyon ay kabilang pa siya sa Uni-Team.
Inamin niyang maraming pinanggalingan ng pondo ang pumasok sa naturang partido, subalit aniya, hindi ito hinawakan ng noo’y kandidato pa lamang na si Inday Sara Duterte dahil ito ay kinuha na umano ni dating House Speaker Martin Romualdez, habang ang iba pang support funds ay hinawakan naman ni Atty. Liza Marcos.
Nilinaw rin niya na kahit siya ay palaging nasa mga rali na dinadaluhan ni Duterte, wala siyang nakilalang Madriaga, kaya’t ikinagulat niya kung saan ito kinuha ng mga taong nasa likod nito upang siraan ang Bise Presidente.
Ayon pa sa kanya, noong panahon ng kampanya ay hindi na niya napapansin kung saan nagmumula ang mga pondo dahil ang Logistics o Finance Committee ang siyang namamahala rito.
















