CAUAYAN CITY- Ipapatupad na sa mga pamilihan sa Isabela ang paglalagay ng price tag sa mga bilihin.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela na kahapon ay nagpatawag ng pagpupulong ang chairman ng Provincial Price Coordinating Council na si Governor Rodito Albano.

Ito ay dahil sa pagsulat ng Regional Executive Director ng kagawaran ng pagsasaka o DA sa pamahalaang panlalawigan para ireactivate at iconvene ang konseho ng Provincial Price Coordinating Council at nang mapag-usapan ang tumataas na presyo ng mga agricultural products.

Dahil hindi sila puwedeng magrekomenda ng suggested retail price (SRP) dahil sa hindi pare-parehong presyo ng mga bilihin sa iba’t ibang lugar at kulang sila sa datos maging ang DA ay irerequire na lamang ang mga nagtitinda sa mga pamilihan na maglagay ng price tag sa kanilang mga paninda.

Sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng pagpipilian ang mga tao at para magkaroon ng patas na kompetisyon.

-- Advertisement --

Ayon sa kanya, maging ang mga panindang gulay ay dapat ding lagyan ng price tag.

Sa susunod na linggo ay inaasahan ng mailalabas ang executive order tungkol dito at ipapatupad na rin agad ng mga kinaukulan.