Walang umanong foul play sa biglaang pagkasawi ni dating Bureau of Corrections deputy officer Ricardo Zulueta ayon sa Philippine National Police.
Ito ang binigyang-diin ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Fajardo sa gitna ng pagdududa ng ilan sa naging pagkamatay ni Zulueta na kapwa akusado ni dating BuCor director Gerald Bantag sa kasong pamamaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid at ang umano’y middleman na si Jun Villamor.
Sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw ay binanggit mismo ni PCol. Fajardo ang nakasaad na cause of death sa death certificate ni Zulueta na cerebrovascular disease intracranial hemorrhage o pagdurugo ng utak.
Sabi ng PNP, naiintindihan nila alinlangan ng ilan hinggil sa umano’y katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Zulueta ngunit nakadepende pa rin aniya sa desisyon ng kaniyang pamilya kung sila ba ay papayag na mulling isailalim sa autopsy ang kaniyang mga labi.
Aniya, nirerespeto ng Pambansang Pulisya ang kahilingan ng pamilya ni Zulueta ngunit kasabay nito ay pinanghahawakan din ngayon ng kapulisan ang pangako nilang pakikipagtulungan sa mga otoridad hinggil sa nasabing kaso.
Kaalinsabay nito ay tiniyak naman ng PNP na sa kabila ng pagkasawi ni Zulueta ay magtutuloy-tuloy pa rin ang paggulong ng imbestigasyon sa kasong kanilang kinakaharap ni Bantag kaugnay sa pamamaslang sa naturang mga biktima.
Matatandaang, dakong alas-10:00PM, Marso 16, 2024, isinugod sa pagamutan si Zulueta matapos makaranas ng hirap sa paghinga, ngunit pagsapit ng alas-11:00PM ay idineklara na itong wala nang buhay ng mga doktor.