Tumangging magbigay ng pahayag ang legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Nicholas Kaufman tungkol sa alegasyon ni Honeylet Avanceña na hindi siya pinayagang bumisita sa dating pangulo sa piitan ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay Kaufman, hindi siya maaaring magsalita tungkol dito alang-alang sa mga legal na kadahilanan at sa privacy na rin ng pamilya.
Nilinaw rin niya na hindi siya ang nagtatakda sa mga karapatan sa pagbisita sa dating Pangulo, kundi ang pamunuan ng detention facility at mga hukom kung kinakailangan.
Sa panig naman ni Avanceña, sinabi niya sa isang panayam na hindi siya pinayagang bumisita matapos umano niyang pag-usapan ang kaso ni Duterte sa isang tawag noong Hulyo 19.
Subalit iginiit ni Honeylet na wala umano kasi siyang natatanggap na impormasyon mula kay Kaufman tungkol sa kaso ng dating Pangulo.
Nanawagan naman siya kay Kaufman na huwag hadlangan ang pamilya sa paghingi ng legal na opinyon mula sa ibang abogado, at nagpahayag ng pag-aalala sa kalusugan ng dating Pangulo, na aniya’y posibleng may depresyon na.
Subalit tugon naman ni Kaufman, maayos na inaalagaan at minomonitor ang kalusugan ng dating pangulo ng mga taong laging kasama niya araw-araw.
Samantala, mahigit isang buwan na lamang mula ngayon o sa Setyembre 23, isasagawa na ang hearing para sa pagkumpirma sa charges laban sa dating Pangulo.