Tiniyak ng Department of National Defense (DND) na mananagot ang mga sundalong sangkot sa pagbebenta ng mga armas o gunrunning.
Ito’y matapos ibunyag ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Al Haj Murad na ang military armory umano ang source ng mga loose firearms sa Mindanao.
Tiniyak ng DND sa publiko na sinuman sa militar ang mapapatunayang guilty sa “gunrunning” o “pilferage of firearms and munitions” ay papatawan ng pinakamalubhang parusa.
Ayon kay DND spokesperson Arsenio Andolong, ang sinumang lalabag sa gun laws ng bansa ay mananagot.
Nakatakda namang magsagawa ng imbestigasyon at imbentaryo ang AFP sa kanilang armory kasunod ng pahayag ni Murad.
Pero ayon kay AFP Spokesperon BGen. Edgard Arevalo, nakarekord naman ang mga armas at bala na nawala sa kanila sa kasagsagan ng engkwentro at pananambang.
Giit ni Arevalo, mahigpit ang regulasyon ng AFP sa kaso ng pilferage.
Sa ilalim ng Articles of War, sinumang mapatunayang guilty ay mahigpit na parusa ang naghihintay bukod pa sa kahaharaping criminal at civil punishment.