-- Advertisements --

Naniniwala ang isang mambabatas na hindi dapat itigil ng Pilipinas ang paghahain ng diplomatic protest laban sa China.

Ito ang inihayag ni House Special Committee on the West Philippine Sea Chair at Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II.

Reaksiyon ito ni Gonzales matapos ihayag ng Pang. Ferdinand Marcos Jr., na nakababahala ang mga aktibidad ngayon sa West Philippine Sea.

Sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nakababahala ang ulat ng Philippine Coast Guard na nagkaroon ng pagtaas sa insidente ng communication interference sa tracking signal ng mga barko ng Pilipinas.

Maliban pa ito sa namataang presensiya ng tatlong warship ng People’s Liberation Army Navy sa bahagi ng Bajo de Masinloc.

Ayon kay Gonzales, sa kanilang panig ay maaari lamang silang magpatawag ng briefing at palagiang komonikasyon kasama ang Task Force West Philippine Sea.

Ang diplomatic protest na aniya ang pinaka mainam na hakbang na gawin ng Pilipinas kahit pa para sa iba ay parang wala itong nareresolba.

Sinabi ni Gonzales na ang pahayag ng Pangulo ay mensahe ito na hindi mananahimik ang Pilipinas sa panggigipit ng China.

Binigyang-diin ng Pangulo na sa kabila ng mga panghaharass ng China patuloy na idepensa ng Pilipinas ang maritime territory nito.