-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kanselado na ang paggunita sa ika-75 anibersaryo ng “Liberation of Panay” dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Nereo Lujan, public information and community affairs officer ng Iloilo Provincial Government, sinabi nito na kabilang sa mga sinuspindeng aktibidad ay ang talakayan na “The Liberation of Panay, Guimaras and Romblon” na gaganapin sana sa Marso 17 sa Casa Real de Iloilo, Iloilo City at ang Sunrise Ceremony sa Marso 18.

Ang nasabing hakbang ay kaugnay rin sa Executive Order No. 028-B na ni Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. na nagbabawal sa pagsasagawa ng malalaking pagtitipon sa lalawigan sa loob ng 45 araw.

Ayon kay Lujan, inaasahan na dadalo sa nasabing aktibidad ang mga matataas na opisyal sa lalawigan ng Iloilo at historians kung kaya’t minabuti na lamang na isuspinde ito upang hindi na kumalat ang virus.

Sa halip na Sunrise Ceremony, lalagyan na lamang ng mga bulaklak ang Balantang Shrine sa Brgy. Balantang, Jaro, Iloilo City bilang pagbibigay pugay sa mga beteranong nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng Panay.

Ang talakayan naman ayon kay Lujan ay gaganapin sa buwan ng Agosto.