Mismong mga kasalukuyan at dating miyembro ng Board of Trustees ng Government Service Insurance System (GSIS) ang kumuwestiyon sa pamumuno ni GSIS President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso, matapos umano nitong pagtakpan ang bilyong pisong pagkalugi sa pamamagitan ng “ilusyon ng paglago” ng pondo ng ahensya.
Lumabas ang pahayag ilang araw matapos manawagan ang ilang trustee ng kanyang “agarang at irrevocable” na pagbibitiw, kaugnay ng umano’y P8.8 bilyong pagkalugi mula sa mga investisyong inilarawan nilang “mapanganib, hindi masusing sinuri, at kulelat sa kita.”
Ayon sa mga trustee, ang inilalabas na paglago ng GSIS ay nakabatay sa “maling batayan at istrukturang inflow” tulad ng mga revaluation ng assets at awtomatikong premium contributions mula sa mga miyembro. Anila, ang mga ito ay hindi tunay na indikasyon ng mahusay na pamumuhunan.
Dagdag nila, ang pangunahing pinagkukunan ng matatag na kita ng GSIS ay nananatiling mula sa legacy investment portfolio bago pa ang administrasyon ni Veloso. Sa kabilang banda, karamihan sa mga bagong investment na inendorso niya ay malawakang nalulugi at kasalukuyang nasa alanganin.
Masaklap pa umano, isinagawa ang mga pamumuhunang ito nang hindi dumaan sa wastong review ng Board.
Inakusahan si Veloso ng pag-iwas sa risk assessment at pagpilit ng mga high-risk ventures nang walang sapat na pagsusuri.
Tinawag nila itong isang “pagpalya sa pamamahala” at nanawagan ng malawakang imbestigasyon sa mga pumalpak na investment.
Ayon sa ilang opisyal, kabilang sa mga problemadong investment ang dual-tranche placements sa Monde Nissin Corp., Nickel Asia Corp., Bloomberry Resorts Corp., at DigiPlus Interactive Corp., na umano’y nagresulta ng halos P3.67 bilyon na pagkalugi. Pinuna rin ang mga puhunan sa Alternergy Holdings Corp., Figaro Coffee Group, Udenna Land Inc., at 8990 Housing Development Corp. na tinawag nilang “mapanganib at hindi makatwiran.”
Nagbabala rin sila sa dagdag na exposure sa private equity funds ng Neuberger Berman at NightDragon, na nagdadala umano ng “seryoso at hindi katanggap-tanggap na panganib” sa ipon ng mga miyembro.
Binigyang-diin din sa pahayag ang resulta ng Mercer CFA Institute Global Pension Index 2025, kung saan kabilang ang Pilipinas sa pinakamahina ang pension system sa buong mundo.
Ayon sa mga trustee, kung magpapatuloy ang maling pamamahala, lalong malalagay sa alanganin ang seguridad sa pagreretiro ng mga kawani ng gobyerno.
Nanawagan sila ng agarang transparency, pananagutan, at isang tapat na pagsusuri sa aktuwal na performance ng pondo. “Tanging sa matapat na pagharap sa katotohanan natin tunay na mapapangalagaan ang kinabukasan ng GSIS at kapakanan ng mga miyembro nito,” anila.
Ang pahayag ay nilagdaan nina Audit Committee Chairperson Rita Riddle, kasalukuyang trustee Ma. Merceditas Gutierrez at Evelina Escudero, at dating board members Alan Luga at Jocelyn Cabreza.