-- Advertisements --

Hindi nakikita bilang option sa ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paggamit ng dahas bilang pangontra sa mga naging aksyon kamakailan lamang ng People’s Republic of China sa Bajo de Masinloc na siyang bahagi ng territorial waters sa West Philippine Sea.

Sa isang panayam, nanindigan si Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na ang mga yunit ng Sandatahang Lakas na ginagamit sa mga pagpapatrolya ay dapat na sumununod sa Rules of Engagement (ROE).

Sa ilalim nito, nakasaad na ang paggamit ng ‘excessive force’ para matagumpay na matapos ang isang misyon o operasayon ay hindi pinapayagan at hindi otorisado maliban na lamang kung ang sitwasyon ay nangangailangan ng self defense.

Magugunita naman na ang BRP Suluan na mas maliit na barko ng Philippine Coast Guard (PCG) ay nagsasagawa lamang ng humanitarian aid mission nang habulin ito ng isang People’s Liberation Army Navy Ship at pagmamaniobra ng isang Chinese Coast Guard vessel (CCG) na siya namang dahilan nang salpukan ng dalawa.

Ganito rin ang itinuran ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner Jr. kung saan inihayag niya na mayroon silang mga nakahandang contingencies kung sakali man na ang BRP Suluan ang natamaan at kung mayroon ding nasawi sa insidente sa hanay ng PCG.

Malinaw na direktiba sa ilalim ng ROE na siyang sinusunod ng kanilang tropa ay ang ‘right to defend’ na maaaring magamit kung kinakailangan lamang at mayroong nakikitang pisikal na banta sa buhay ng mga tropa sa West Philippine Sea.

Samantala, nakatakda namang magkaroon ng isang pagpupulong sa pagitan ng AFP, PCG at iba pang kaugnay na ahensya para talakayin ang mga posibleng hakbang na maaari nilang gawin kontra sa mga panghaharass ng China sa katubigang sakop ng Pilipinas.

Nanindigan at tiniyak naman ng AFP at ng PCG na patuloy silang titindig sa WPS upang masiguro na mapoprotektahan at hindi mayuyurakan ang soberanya ng bansa.