-- Advertisements --

Tuluy na tuloy na ang pagbubukas ng klase sa Agosto 22 ngayong taon.

Ito ang iginiit sa Bombo Radyo ni DepEd spokesperson Atty Michael Tan Poa sa kabila ng panawagan na pagpapaliban ng school opening.

Nanindigan ang DepEd sa desisyon nito na ipagpatuloy ang pagbubukas ng school year 2022-2023 at wala nang atrasan pa.

Una ng hinimok ng Teacher’s Dignity Coalition ang kagawaran na ilipat ang petsa ng pagbubukas ng klase para sa susunod na school year sa kalagitnaan ng buwan ng Setyembre sa kadahilanan aniya na walang sapat na school break para makapagpahinga ang mga guro mula sa nagdaang academic year at makapaghanda para sa susunod na school year.

Subalit ayon sa DepEd official marami na ang nakibahagi sa Brigada Eskwela program kung saan inihahanda ng mga stakeholders at volunteers ang mga paaralan para sa papasok na school year.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd sa iba pang government agencies para sa school opening gaya ng trade department para ma-regulate ang presyo ng school supplies at maging sa DOH para sa pagbabakuna sa mga estudyante at school personnel kontra sa COVID-19.

Inihayag din ni Atty Poa na sa ilalim ng Republic Act No. 7797 ipinagbabawal ang pagsisimula ng school year ng lagpas sa August.