-- Advertisements --

Inianunsyo ngayon ni Education Sec. Leonor Briones na inaprubahan ng DepEd Executive Committee na magbubukas ang school year 2020-2021 sa darating na Agosto 24.

Sinabi ni Sec. Briones na ang kanilang desisyon ay alinsunod sa mga isinagawang konsultasyon at sang-ayon sa Republic Act 7977 kung saan itinatatakda na ang pagbubukas ng klase ay sa unang Lunes ng Hunyo pero hindi lalagpas sa huling araw ng Agosto.

Ayon kay Sec. Briones, hindi kailangang pisikal na papasok sa mga paaralan ang mga mag-aaral lalo na sa mga lugar na mataas ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.

Ipinaliwanag ni Sec. Briones na gagawin ang pag-aaral sa pamamagitan ng online o virtual set-up, gayundin sa telebisyon at radyo lalo sa mga malalayong lalawigan na walang internet connection o walang access sa telebisyon.

Maari rin daw iimprenta ang mga reading materials at sa bahay na lamang mag-aral ang mga bata lalo sa mga lugar na walang access sa mga gadgets o modernong kagamitan.

Inihayag pa ng opisyal na maliban sa pagbabago sa set-up ng pag-aaral ng mga bata, may ipapatupad ding adjustment sa mga curriculum na naaayon sa COVID-19 pandemic at sa patakaran ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Infectious Diseases (IATF).

Kinumpirma rin ni Sec. Briones na lahat ng mga malalaking at pambansang aktibidad ng DepEd gaya ng Palarong Pambansa ay pansamantalang kanselado sa school year 2020-2021.