Aminado ang militar sa Central Mindanao na malaking hamon umano para sa kanila ngayon ang pagbiyahe ng mga plebiscite returns mula sa iba’t ibang mga polling centers patungo sa mga canvassing centers.
Sa kabila ito ng pagiging payapa sa pangkalahatan ng plebisito sa buong area ng Western Mindanao Command (WestMinCom).
Ito ang inisyal na assessment ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay 6th Infantry Division (ID) Commander M/Gen. Cirilito Sobejana, kaniyang sinabi na walang naitalang mga major untoward incidents sa kasagsagan ng botohan.
Pero aminado ang heneral na may mga security challenges silang kinaharap, gaya ng girian ng mga supporters ng “Yes” at “No” at pakikialam ng ilang sektor na naayos naman agad.
Sa monitoring ng PNP, may naaresto ang mga pulis na gunban violator sa may Balabagan, Lanao del Sur.
Sinabi ni PNP-ARMM Director C/Supt. Graciano Mijares na dahil sa kooperasyon at pagtutulungan ng AFP, PNP at Comelec kaya naging mapayapa ang halalan.
Hanggat hindi pa tapos ang plebisito, mananatiling nakaalerto ang puwersa ng mga pulis at sundalo para hindi magkaroon ng pagkakataon ang mga tinaguriang peace spoilers at mga political war o rido para hindi sila makaapekto sa resulta ng plebisito.