-- Advertisements --
image 96

Maganda ang relasyon ng Pilipinas at China kaya hindi na ikagugulat kung sa loob ng taong ito ay mangyayari ang state visit sa bansa ni Chinese President Xi Jinping.

Ito ang sinabi ni Philippine Ambassador to China Jaime Florcruz, kasunod ng imbitasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay President Xi na bumisita sa pilipinas.

Ayon kay Florcruz sa ngayon ay kapwa abala at puno ang schedule ng dalawang lider pero ang mahalaga aniya ay naiparating na ng Pilipinas ang imbitasyon sa Presidente ng China.

Bagaman wala pa aniyang takdang petsa ang pagbisita ni President Xi sa bansa, tiniyak ni Florcruz na aayusin naman ito sa mga susunod na araw o buwan.

Una nang sinabi ni Florcruz na mahalaga ang face-to-face na pag-uusap nina Pangulong Marcos at President Xi para personal na maipaabot ang concerns ng bansa at ng mga Pilipino lalo na sa usapin ng West Philippine Sea.

Malaking tulong aniya na una nang nagkita at nagkausap ang dalawang lider nang magtungo sa China si Pangulong Marcos sapagkat direktang naipaabot nito ang nangyayari sa bahagi ng West Philippine Sea.