Mariing kinokondena ng Malacañang ang anomang karahasan sa mga mamamayan ng bansa kabilang na ang mga aktibista.
Ang pahayag na ito ni Presidential Spokesman Harry Roque ay kasunod na rin ng pagpatay kay human rights activist na si Zara Alvarez nitong Lunes sa Bacolod City.
Magugunitang noong Agosto 10, pinaslang rin si Anakpawis chairman at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Peace Consultant Randall Enchanis sa kanyang tahanan sa Quezon City.
Sinabi ni Sec. Roque, ang pagbibintang sa pamahalaan ng pagkasawi nina Enchanis at Alvarez ay walang basehan, lalo na kasalukuyan pang gumugulong ang imbestigasyon ng mga otoridad dito.
Inihayag ni Sec. Roque na makabubuting hintayin ang opisyal na ulat ng mga otoridad kaunay sa isinasagawang imbestigasyon.
“We denounce any form of violence perpetuated against citizens, including activists. We are a nation of laws; and violence has no place in any civilized society. Blaming state forces as the people behind these murders is unfounded as investigation on the killings of Randall Enchanis and Zara Alvarez is now underway. Let us wait for the formal report from the authorities,” ani Sec. Roque.