-- Advertisements --

Nakatakdang isagawa ang arraignment o pagbasa ng sakdal kay Venezuelan President Nicolas Maduro tanghali ng Lunes, Enero 5, oras sa Amerika, sa Manhattan, New York City, USA.

Ayon sa isang tagapagsalita, nakatakdang humarap sa korte sina Maduro at kaniyang maybahay na si First Lady Cilia Flores, na kapwa naaresto ng US noong Sabad, Enero 3.

Sa korte sa New York, kailangan ang personal na pagdalo sa arraignment.

Sa papel, ito ay magiging isang routine appearance para sa pagbubukas o pagsisimula ng kaso sa criminal court sa Amerika

Dito, babasahin ng hukom ang mga kaso kay Maduro at pagkatapos ay inaasahang ikukulong siya sa federal custody habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kaso.

Habang nagpapatuloy ang kaso, gaya ng sinumang defendant sa isang criminal trial, entitled si Maduro na makatanggap ng proteksiyon kabilang ang karapatan para manahimik, at karapatan para pumili kung nais niyang tumestigo sa anumang pagdinig sa hinaharap.

Ang hindi malinaw sa ngayon ay kung gaano kahanda si Maduro at First Lady na makibahagi sa mga paglilitis.