Naghain ng ”not guilty plea” si Venezuelan president Nicolás Maduro para sa mga kasong may kinalaman sa narco-terrorism, drug trafficking, at ilegal na pag-aari ng mga armas matapos siyang mahuli sa isang kontrobersyal na operasyon na pinangunahan ng Estados Unidos noong Enero 3, 2026.
Kasama ni Maduro sa arraignment ang kanyang asawa na si First Lady Cilia Flores nitong Lunes (araw sa Amerika) sa isang korte sa Manhattan, New York, iginiit na siya pa rin ang lehitimong presidente ng Venezuela, at tinawag ang kanyang pagkakaaresto bilang ilegal, at sinabing siya ay isang ”prisoner of war.”
“I am innocent. I am not guilty. I am a decent man,” ani Maduro sa lenguwaheng Spanish ng matanong ng hukom.
Napagalaman na ang mag-asawa ay may posibilidad na habambuhay na makulong kung mapapatunayang nagkasala, kabilang ang pakikipag-sabwatan umano sa narco-terrorism at pag-aari ng machine guns at iba pang mapinsalang firearms.
Kapansin-pansin naman ang suot ni Maduro sa courtroom na naka-tsinelas na orange, neon orange na t-shirt suot ang isang blue-shirt, at beige na pants.
Sa kabila nito hindi naman humiling ang defense counsel ni Maduro ng piyansa at iginiit na haharapin nila ang tinawag nilang ”military abduction.”
Maalalang ang operasyon ni U.S. President Donald Trump, ay nagdulot ng malawakang pagtutol sa buong mundo kung saan 12 bansa ang tinawag itong ”crime of aggression.”
Nagbabala rin si U.N. Secretary-General António Guterres na ang pagkakaaresto kay Maduro ay labag sa International Law.
Naiulat na mahigit 40 katao ang namatay sa raid, na nagdulot ng pangamba tungkol sa posibleng war crimes.
Samantala sa labas ng hukuman, nagkaroon naman ng kaguluhan sa pagitan ng mga tagasuporta at kalaban ni Maduro.
Sa Venezuela, inakusahan ng pamilya at opisyal ng gobyerno ang operasyon, habang nagbabala ang Presidente ng Colombia na si Gustavo Petro tungkol sa posibleng tugon ng kanilang militar.
















