(Update) BACOLOD CITY – Pansamantala munang binabantayan ng PNP ang Ceres terminal sa lungsod ng Bacolod upang maiwasan ang tensyon sa pagitan ng dalawang security agency ng magkabilang faction ng Yanson siblings.
Matapos ang walong oras na tensyon sa Bacolod South Terminal, lumuwag na ngayon ang daloy ng trapiko sa Lopez Jaena Street matapos pinaalis muna ang dalawang security agency ng nag-aaway na magkapatid.
Ito ay matapos nagdesisyon ang PNP Supervisory Office for Security & Investigation Agencies (PNP-SOSIA) na mga pulis muna ang magbabantay sa Ceres terminal habang hinihintay pa ang desisyon sang national headquarters.
Ayon kay PNP-SOSIA head Police Col. Jaime Santos, pumunta sila sa lugar upang panatilihin ang kapayaan matapos dumating ang pitong van na lulan ang mga gwardiya ng AGNSA Security Agency na dating nagsisilbi sa mga terminal ng Vallacar Transit Incorporated sa ilalim ni Leo Rey Yanson bilang presidente ng Yanson Group of Bus Companies.
Layunin sana ng AGNSA na palitan ang AY-76 Security Agency na itinalaga ng appointed president na si Roy Yanson.
Dahil dito, mananatili ang halos 60 na mga pulis na nagbabantay sa terminal habang hindi pa nadedesisyunan ng national command kung ano ang mas mabuting gagawin.
Ang mga pulis ay nanggaling sa Bacolod City Police Office at Negros Occidental Police Provincial Office.