Posibleng sa mga susunod na araw ay muli nang makakapasada ang mga tinaguriang “hari ng kalsada” o mga traditional jeepney.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, masusi itong pinag-aaralan sa ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at nakadepende kung kukulangin ang mga bus at modern PUVs.
Ayon pa kay Sec. Roque, kung maipapakita ng mga traditional jeepney operators at drivers ang pagiging roadworthy ng kanilang mga sasakyan at kung makakatalima ang mga ito sa minimum health standards tulad ng physical distancing ay posibleng payagan na ulit sila makabiyahe.
Magugunitang sa inilabas na guidelines ng DOTr, ang Phase 1 o magmula noong June 1 – 21, papayagang magbalik operasyon ang tren, bus augmentation units, taxis, TNVS, point-to-point buses, shuttle services at bicycles pero limitado lamang ang kapasidad habang pagsapit ng June 22 – 30 o Phase 2 ay maaari nang makapasadang muli ang mga public utility buses, modern jeepneys at UV express vans.
Sa Laging Handa public press briefing, inihayag ni DOTr Road Sector senior consultant Alberto Suansing na inaayos na lamang ng ahensya ang ruta at bilang ng mga jeepney na papayagang muling makapasada.
Una nang umapela ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa pamahalaan na payagan na silang makabiyaheng muli dahil karamihan o 90 porsyento ng kanilang mga tsuper ay hirap na hirap na at mamamatay na sa gutom dahil sa bawal silang bumiyahe simula pa noong ipinatupad ang enhanced community quarantine (ECQ).