-- Advertisements --

Aminado ang Philippine National Police (PNP) na kanilang itinuturing na security challenge ang pag-uumpisa ng local campaign period bukas, March 25.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, inaasahan na kasi na mas titindi ang labanan sa politika sa mga lalawigan.

Dahil dito, inatasan na ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos ang mga local police commanders na magsagawa ng maayos na deployment ng kanilang mga tauhan.

Kasama sa mga rehiyon na pinatutukan ng pamunuan ng PNP sa mga field commanders ay ang Region 5,8,12,13 at Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region.

Sa ngayon, nakahanda na ang security package na ibibigay ng PNP sa mga kandidato na may mga banta sa kanilang buhay.

Nakapagtala na rin ang PNP ng 14 na insidente ng karahasan simula nang mag-umpisa ang election period noong January 9, 2022.

Ayon kay Col. Fajardo, sa 14 na insidente ay dalawa lamang sa naturang bilang ang kumpirmadong election related incidents.

Habang patuloy na isinasailalim sa validation ang mga lugar na isasama sa “election hotspots.”