-- Advertisements --

Nilinaw ng tagapagsalita ng impeachment court na na si Atty. Regie Tongol matagal nang nakahanda ang desisyon ng impeachment court kaugnay sa pagkuha ng bank at tax records ni Vice President Sara Duterte.

Sa isang pulong balitaan, ipinaliwanag ni Tongol na noong unang araw pa lamang ng paglilitis ay handa na umanong maglabas ng desisyon si Senate impeachment court presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero tungkol sa kahilingan ng House prosecution panel para ipa-subpoena ang mga bank records ng Bise Presidente.

Gayunpaman, ipinagpaliban muna raw ito matapos humiling ang prosecution panel ng panibagong subpoena at humiling naman ang depensa ng pagkakataong masuri ang pag-subpoena. Dahil dito, nagsagawa muna ng oral arguments bago tuluyang naglabas ng desisyon ang korte.

Sakop ng desisyon na makakuha ang bank records, Anti-Money Laundering Council records, at ilang tax records ni Vice President Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Sinabi ni Tongol na ilalabas ang subpoena sa mga kinauukulang ahensya. Nilinaw rin niya na kailangan pa ang pahintulot ng Pangulo bago mailabas ng Bureau of Internal Revenue ang tax records ng Bise Presidente.

Ayon sa batas, may ilang kondisyon bago mabuksan ang tax records ng isang taxpayer.