-- Advertisements --

Ipinapaubaya na ng Malacañang sa Office of the Ombudsman ang pagre-release ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga taong 2018 hanggang 2019.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, may bagong guidelines na sinusunod ang Ombudsman sa paglalabas ng SALN.

Ayon kay Sec. Roque, isang constitutional body ang Ombudsman kaya’t kung ano ang itinatakda nito kaugnay sa proseso ng pagkuha sa SALN ng Pangulo ay siyang dapat sundin.

Batay umano sa panuntunan ng Ombudsman, kailangang may permiso muna sa subject ng SALN para magbigay ito ng go-signal sa isang nagre-request o nais makakuha ng kanyang Statements of Assets and Liabilities.

Bago ito ay nauna nang iginiit ng Malacañang na nagsusumite ng kanyang SALN ang Chief Executive.